Isang open letter mula sa FB page ni Pinoy Music Icon na si Dong Abay.
Relate much ako dito, halos araw-araw may nag aabot ng sobre sa JP Rizal-Guadalupe jeepney route. Nakakaawa ang mga batang ito, minsan kung may Rebisco or skyflakes ako sa bag yun na lang nai-aabot ko, pero may mga araw pauwi na wala talaga ako mabigay. The feels mehn...
SULAT PARA SA BATANG MAY SOBRE
Para sa Iyo, batang Pilipino:
Pasensya ka na kung binalik ko lang sa iyo ang pinamumudmod mong sobre
sa aming mga pasahero sa loob ng jeep na ito. Hindi ko man lang nalagyan
ng konting barya o kaya'y papel na pera kasi wala rin talaga akong
madukot sa bulsa. Wala rin akong baong kahit anong pagkain o bawas na
inumin para kahit paano naman magkalaman ka sa tiyan.
Gusto ko lang malaman mo na hindi ko gusto ang nangyayari sa iyo at sa
iba pang mga batang tulad mo na sa araw araw ay "trabaho" ang mamalimos
sa daan at kung saan-saan. Sanay na kayong huminga sa mausok,
maalikabok, maputik, makalat, maingay, magulo at delikadong mga
lansangan ng syudad. Nakikipaghabulan kayo sa mga pampasahero at
pribadong sasakyan, minsan karga-karga pa ang mga kapatid na sanggol,
kumakatok sa salamin, nangangalabit para kaawaan. Minsan naman may dala
pa kayong basahan at pilit pinupunasan ang mga sapatos namin pero di
naman nalilinisan.
Gusto kong magalit sa iyong mga magulang na
dapat sana ay binabawalan kang gawin ang mga bagay na ito pero palagi
mong sinasabi na hindi mo rin alam kung nasaan sila, o kaya di mo man
lang sila nakilala mula nang isilang ka.
Pero ang mas
ikinagagalit ko ay hindi kita matulungan dahil ang dapat tumutulong sa
ating mga wala ay wala rin namang pakialam. Kung ikaw ang pag-asa ng
ating bayan, hindi ko na alam kung ano ang kinabukasan.
No comments:
Post a Comment